Cara Y Tula

Primera Cara: Pakikibaka

 

Nung minsa’y pinangarap kong

Hawakan ‘yang karatula mo

Magmartsa sa kalsada,

Kapit-bisig,

Sumigaw at tumili,

Mapaos at mapasma,

Matusta ang balat

Kasama mo.

 

Noo’y inasam-asam ko

Na sana kagaya mo

Ay maging matapang din ako

Handang mabomba ng tubig

Maitsahan ng bato

Maitulak sa putik

Masugatan sa tuhod

Katulad mo.

 

Pinananaginipan ko pang

Maki-jamming sa iyo

Sa mga himig at awit,

Ng pakikibaka,

Pagmamalasakit,

Paniniwala sa pagbabago,

Ng pag-ibig at pangarap

Kagaya mo.

 

Subalit ‘yon ay pangarap

Na lang ng kahapon

Iba na ngayon,

Mas lalo ang bukas

Kailangang kumayod

Kailangang kumita

Kaya sa halip na karatula mo,

Ay karatula ng jeep ang hawak ko.

#


 

Segunda Cara: Hustisya

 

Hala sige, isabit na nang matuto

Tiyaking malinaw ang pagkakapunto

Para ang iba ay hustong matuto

Na ang magnakaw ay hindi ang tamang panuto

 

Teka sandali, bakit naman ganyan?

Wala pa naman po kayong napatutunayan

Di ba may husgado pang dapat sangkalan?

Nang hustisya’y talagang mapangalagaan?

 

Tama na boy, huwag ka nang magmalinis

Hindi namin bibilhin ang laway mong panis

Huli ka na ng nagsumbong na misis

Kaya isoli mo na’ng ninakaw mong kamatis

 

Ako’y ipinosas na nga’t ikinulong maghapon

Sukdulang bugbugin, sa rehas itapon

Kahit itanggi ang salang di layon

Eto’t ibabalandra pa nila ‘ko sa nayon

 

Naku tumigil ka’t baka ‘di ako makapagtimpi!

Umamin ka na lang, ‘wag magbakasali

Batid naman namin ang hilig ninyong magkubli

‘Di kailangan ng hukom, ito ay madali

 

Mamang pulis ako ay inosente

‘Di lang halata pero ako ay ignorante

Mukha lang tirador ng kable ng kuryente

Pero ‘di talaga ako ang nagnakaw ng kamatis sa estante

 

Hayo’t huwag na akong bilugin pa

Iposas ng maayos iyang may sala

Hindi ka makalulusot sa aking hinala

Huwag kang pumalag nang di na lumala

 

Gaya mo’y salot sa aming lipunan

Bakit ba hindi pa ang nanay mo’y nakunan

O kaya’y ipinamigay ka na lang niya sa ampunan

Kaysa makapaghasik ng lagim sa bayan

 

Inosente ka man o hindi ay pareho lang din

Tanggapin ang parusa’t lumunok ng hangin

Ididispley ka namin para sa matuwid na hangarin

Magsilbing babala sa mamamayang mahal namin

 

Ano pa nga ba ang silbi ng pagpalag ko

Batid ko naman ang kahahantungan ng usapang ‘to

Walang makatatalo sa isip na sarado

Kahit lunurin pa sa sandamukal na argumento

 

Ako’y ‘di na papalag

Hindi na aalma kahit hindi nakakalag

Kahit pa gulpihin ay ‘di na rin sasalag

Pilit tatanggapin anuman ang ibansag

 

Hayo’t isuot ninyo na sa akin ‘yan

Isabit sa leeg ko’t akin pang hahawakan

Ipapakita, ang lahat ay babalaan

Na ako ay “Magnanakaw, ‘Wag na ‘Wag Tutularan”

#


 

Tercera Cara: Pananampalataya

 

I

Sino ka?

Hari ka ba?

Emperador o santo

Propetang barbero

Ay nako Diyos ko

 

N

Sugo ng ama

Tanging bida ng propesiya

Bakit ka narito?

‘Di ikaw ang kailangan ko

Ako’y Pariseong di naman lumpo

 

R

‘Di naman kasamba-samba

Makasama’y kahiya-hiya

Hala’t koronahan ng tinik ‘yang banal kuno

Ipako sa krus na kanya raw trono

Para hindi na lumaki pa ang ulo

 

I

Pero teka – Ha! Ha!

Pakikabit nitong karatula

Kunwaring pagrespeto sa Kristo diumano

Jesus Nazareno,

Hari ng mga Hudyo

#

 

Ang mga tulang ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 9.

 

Saranggola 336x280

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s