Ang Idolo ni Ruru

Idolo ko ang aking ina

Mabait siya, at maganda pa!

Palagi niya kaming inaalagaan,

Sa sakit ay pinoprotektahan

Mahal na mahal niya kaming lahat

Sa gabi ay binabasahan pa ng alamat!

 

“Magaling Remy!” Wika ni Titser Betsie. “Napakahusay ng paglalarawan mo sa pag-aarugang ibinibigay sa’yo ng iyong ina. Palakpakan natin si Remy!”

Nagpalakpakan lahat ng mga kaklase ni Remy. Binabati siya ng lahat sa magandang tulang ginawa niya para sa kanyang idolo.

“O mga bata, sino na ang susunod na gustong bumigkas ng tula para kanyang idolo? Wala bang gustong magvolunteer?” Baling ni Titser Betsie sa kanyang mga estudyante.

Napayuko si Ruru. Iniiwasan niyang tignan sa mata ang guro sa pag-aalalang baka siya na ang susunod na tawagin nito. Pakiramdam niya ay hindi pa siya handang ipakita sa lahat ang kanyang takdang-aralin. Simula pa lang ng klase ay pinagkukrus niya na ang mga daliri sa paghiling na sana ay siya ang huling tawagin ni Titser Betsie.

“Dexter!” Turo ni Titser Betsie sa estudyanteng nagtaas ng kamay mula sa gawing likuran ng silid-aralan. “Halika hijo, ipakilala mo kami sa idolo mo.”

“Opo Titser!” Tugon ni Dexter. Mabilis itong nagtungo sa harapan ng mga kaklase at nakangiting binigkas ang kanyang tula.

 

Idolo ko ang aking kuya

Makisig siya, at matalino pa!

Palagi niya akong tinutulungan,

Sa paaralan man o palaruan

Ako ay pinapasan kahit mabigat,

Sa pagtawid ko sa kalye siya ang nag-iingat!

 

“Napakahusay. Palakpakan natin si Dexter!” Ani Titser Betsie.

Masayang-masaya si Titser Betsie sa ipinamamalas na husay ng kanyang mag-aaral sa takdang-araling ibinigay niya. Ang pinakalayunin kasi niya sa pagpapagawa nito sa mga bata ay maitatak sa kanilang murang isipan ang pagpapahalaga sa mga taong nagiging inspirasyon nila sa kanilang buhay. Nakakataba ng puso na makitang paslit pa lang ang mga ito ay kumikilala na ng mga taong dapat nilang hinahangaan at tinutularan.

“Okay class, sino na sa inyo ang gustong sumunod na ipakilala tayo sa kanyang idolo?” Paanyaya ni Titser Betsie.

Nakahinga ng maluwag si Ruru nang makita niyang marami pang iba ang nagtaas ng kamay. Ibig sabihin, marami pang iba munang matatawag mag-recite sa harap ng klase bago siya. May panahon pa siya para mag-ipon ng lakas ng loob.

“Halika Miko,” paanyaya ni Titser Betsie, “ikaw naman. Nais naming makilala ang iyong idolo.”

Mahiyain si Miko. Pero hindi siya nag-atubili nang tawagin ng kanilang guro.

 

Idolo ko si Lebron James

Malakas siya, at mabilis pa!

Ang husay niya sa basketbolan

Talaga namang nais kong tularan

Hindi nagpapatalo at laging angat

Kaya naman siya ay sikat na sikat!

 

“Palakpakan natin si Miko!” Tuwang-tuwang sambit ni Titser Betsie.

Ganoon din ang pagkawili ni Titser Betsie sa mga sumunod pang mag-aaral na nagpaunlak na tumayo sa harap at bumigkas ng tula para sa kanilang mga idolo. Ang mga magkakamag-aral naman ay halatang naaaliw din sa pakikinig sa mga gawa ng kani-kanilang kaklase. Merong mga napapasambit ng “wow”, samantalang ang iba ay napapausal ng “ang astig ng idolo mo!”

Tanging si Ruru na lang ang natitirang hindi pa nakakapagpakita ng kanyang takdang-aralin. Hanggang ngayon ay kinakabahan pa rin siya.

“Ruru ikaw na.” Bulong ni Remy kay Ruru. “Sige ka pagagalitan ka ni titser.”

Patango-tango lang si Ruru.

“Mga bata, meron pa bang hindi nakakapag-present?” Masugid na tanong ni Titser Betsie.

Naging tahimik sa klase. Paunti-unting tumingala si Ruru at tinignan sa mata si Titser Betsie. Hanggang sa nagkatinginan na nga silang dalawa.

“Ruru.” Masiglang tawag ni Titser Betsie. “Ikaw na–”

WAAAANNNNGGG! WAAAANNNNGGG!

Naputol ang sinasabi ni Titser Betsie nang biglang tumunog ang sirena ng paaralan. Ayon sa turo sa eskwela, tumutunog lamang iyon kapag may panganib na nagbabadya katulad ng lindol o sunog.

Sinilip ni Titser Betsie ang kabilang gusali at nakita niyang may usok na lumalabas mula rito. Saglit siyang nakipag-usap sa titser ng katabing silid-aralan at pagkatapos ay bumalik na sa klase nina Ruru.

“Titser ano po ‘yun?” Tanong ng isa sa kanila.

“Mga bata, huwag kayong matataranta ha. Dahan-dahan tayong pipila nang hindi nagtutulakan. Tapos tahimik tayong bababa at lalabas ng paaralan. Huwag na huwag kayong hihiwalay sa akin. Maliwanag ba?”

“Opo!” Sabay-sabay na sagot ng magkakaklase.

Tahimik na sumunod ang mga bata at gumawa ng pilang nakabuntot sa kanilang Titser Betsie. Pagkatapos ay binilang niya kung ilan lahat ang mga estudyante niya, kung ilan ang lalaki at kung ilan ang babae sa mga iyon. Tinanong niya kung sino sa kanila ang lumiban ngayong araw at kung mayroon bang lumabas para magpunta ng banyo. Nang matiyak niya na kumpleto ang lahat ay sinenyasan niya ang mga ito na sumunod sa kanya palabas ng paaralan.

Kalmadong-kalmado lang si Titser Betsie. Sa kabila ng panganib ay ngumingiti pa rin ito at ipinakikita sa lahat na wala silang dapat ipag-alala. Kaya napapanatag na rin ang loob nilang magkakaklase.

Habang pababa ay nadaanan nila ang isa pang klasrum. Kapansin-pansin na nasa loob pa ang mga bata at mukhang wala silang kasamang guro.

“Mga bata, nasaan ang titser ninyo?” Tanong ni Titser Betsie sa mga estudyanteng mababakas sa mukha ang pag-aalala at takot.

“Absent po.” Sagot ng isa sa kanila.

“Wala ba siyang kahalili ngayon sa pagtuturo?” Usisa pa ni Titser Betsie.

“Wala po.” Tugon ng isa pa.

“O siya, pumila kayo ng maayos at tahimik kasunod ng mga estudyante ko, huwag kayong matataranta ha. Wala kayong dapat katakutan.”

Hindi man nila sariling guro ay sinunod pa rin nila si Titser Betsie. Pumila sila ng maayos kasunod ng pila ng mga mag-aaral niya. Ang ilan na umiiyak na sa takot ay matiyagang pinatahan ng butihing guro.

“Nandito ako. Hindi ko kayo pababayaan.” Paniniyak ni Titser Betsie. Pinunasan niya ang luha ng mga batang umiiyak.

Nang matiyak niya ang bilang ng lahat ng estudyante ay inakay niya na ang mga ito palabas ng eskwelahan. Tinungo nila ang isang malaking lote na nakalaang puntahan ng lahat ng mga mag-aaral kapag may sunog o lindol. Sinalubong sila rito ng iba pang mga guro at estudyanteng ligtas ding nakalabas ng paaralan.

Sa awa ng Diyos ay mabilis na naapula ang sunog at hindi na ito kumalat pa sa ibang mga bahagi ng paaralan. Wala rin namang naitalang nasaktan sa mga guro at estudyante. Agad namang ipinatawag ang mga magulang upang sunduin na ang kani-kanilang mga anak. Bukas na raw ipagpapatuloy ang klase.

“Ruru?” Tawag ni Titser Betsie. “Nandito na ang tatay mo.”

“Opo Titser Betsie.” Sagot ni Ruru.

Sinalubong si Ruru ng kanyang tatay na agad bumuhat sa kanyang bag. Sumenyas na ito ng pamamaalam kay Titser Betsie.

“Sandali lang itay.” Sambit ni Ruru.

Mabilis na binuksan ni Ruru ang bag na bitbit na ng kanyang tatay at may kinuhang papel mula rito. Pagkatapos ay patakbo siyang lumapit kay Titser Betsie at iniabot ang nasabing papel.

“Salamat po titser.” Nahihiyang wika ni Ruru. “Aalis na po kami.”

Hindi pa man ganap na nakalalayo si Ruru at ang kanyang ama ay binuklat na ni Titser ang papel na iniabot ng kanyang estudyante. Tahimik niyang binasa ang nakasulat dito.

 

Idolo ko si Titser Betsie

Magaling siya, at matapang pa!

Matiyaga niya kaming tinuturuan

Ang ina sa aming pangalawang tahanan

Sa paggabay ay hindi nalilingat

Kaya ako ay lubos na nagpasasalamat

 

Nakangiting pinunasan ni Titser Betsie ang luhang hindi niya inakalang tumulo mula sa kanyang mata.

 

Wakas

 

Ang kuwentong pambatang ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 9.

 

Saranggola 336x280

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s